-- Advertisements --

CAUAYAN CITY- Nahulog sa bangin ang isang cargo truck na naglalaman ng daaang daang sako ng limestone matapos mawalan ng preno sa pababang bahagi ng pambansang lansangan sa Sitio Tayapa, Brgy. Villaros, Bagabag, Nueva Vizcaya.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni PMaster Sgt. Jayson Naval , imbestigator ng Bagabag Police Station na ang driver ng Isuzu cargo truck ay si Alex Tecson, 32 anyos, may asawa, residente ng San Miguel, Bulacan kasama pa ang isang binatilyo na kanyang pahinante.

Lumabas sa pagsisiyasat ng pulisya na nawalan ng preno ang truck na minamaneho ni Tecson sanhi para bumilis ang takbo ng sasakyan pababa sa pakurbadang bahagi ng daan kaya nataranta ang dalawang sakay at nagpasyang tumalon palabas ng sasakyan bago pa man ito mahulog sa bangin.

Ayon pa kay Police Master Sgt. Naval ,posibleng overloaded ang sasakyan.

Nagtamo ng mild injuries sina Tecson at pahinante nito na kaagad nilapatan ng paunang lunas ng tumugon na kasapi ng rescue team habang nahulog naman ang ilang sako ng limestone na lulan ng truck na tinatayang nasa humigit kumulang 700 sako ng limestone na nakatakda sanang ibiyahe dito sa lalawigan ng Isabela .

Sinabi pa ni Master Sgt. Naval na maingat nilang aalisin ang sasakyang sumabit sa sanga ng kahoy matapos mahulog sa bangin.

Kinakailangan anyang magiging maingat ang mga otoridad dahil sa delikado ang posisyong ng sasakyan na maaring magtutuloy-tuloy na mahulog sa malamin pang bahagi ng bangin .

Idinagdag pa ni Police Master Sgt. Naval na maituturing na accident prone area ang nabanggit na lugar ngunit marami ang mga signages na paalala sa mga motorista at biyahero.