-- Advertisements --

Nasunog at nagkaroon ng sunod-sunod na pagsabog ang Singapore-flagged cargo ship Wan Hai 503 habang papunta sa Mumbai, na naging sanhi ng pagkahulog ng 40 container sa Arabian Sea at pagtalon ng ilang crew sa dagat upang makaligtas, ayon sa mga opisyal nitong Lunes.

Ayon kay Shekhar Kuriakose ng Kerala State Disaster Management Authority, naganap ang insidente humigit-kumulang 144 kilometro mula sa baybayin ng Kerala, India.

“According to preliminary information…there were 22 workers on board the ship…18 jumped into the sea and are in rescue boats. Efforts are underway to rescue them,” ani Kuriakose. Nilinaw rin niyang hindi pa lumulubog ang barko.

Sa mga larawang ibinahagi ng Indian Coast Guard sa social media na platform na X (dating Twitter) ay makikita ang makapal na usok mula sa barko at mga nagkalasang mga container malapit sa pinagmumulan ng apoy.

Ayon sa defense ministry, ang barko ay kasalukuyang lumiliyab at palutang-lutang sa karagatan.

Hindi pa inaanunsyo kung anong uri ng kargamento ang laman ng mga container, at patuloy ang ginagawang imbestigasyon hinggil sa sanhi ng mga pagsabog.

Matatandaang isang container vessel ang lumubog rin sa parehong rehiyon noong nakaraang buwan, na nagbunsod sa pagbagsak ng 100 container sa dagat, gayunman walang naiulat na oil spill.