CAUAYAN CITY – Nagpapagaling ngayon sa pagamutan ang isang lalaki matapos saksakin ng isang tsuper ng tricycle sa Sillawit, Cauayan City.
Ang sinaksak ay si Dominique Liquanan, caretaker ng restaurant at ang pinaghihinaalaan ay si Ricarte Cristobal, tsuper ng tricycle, kapwa 21 anyos at residente ng ng nabanggit na lugar.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan sinabi ni Pol Capt. Esem Galiza, pinuno ng Womens and Children Protection’s Desk (WCPD) ng Cauayan City Police Station, habang nagpapatrolya sila kagabi para ipatupad ang curfew hours ay nakatanggap sila ng tawag mula sa Rescue 922 na mayroong stabbing incident sa naturang lugar.
Sa pagtugon ng mga otoridad, nakita nila si Liquanan sa tahanan ng isang barangay kagawad dahil doon siya humingi ng tulong matapos umanong saksakin ni Cristobal na unang nagpakilalang Jay-Ar Pasamonte.
Agad nilang nahanap ang suspek na nakita nilang papatakas sana sakay ng tricycle.
Nakita nilang may dugo sa laylayan ng damit ni Cristobal at sa palad nito pero hindi nakita ang kutsilyong ginamit matapos niya itong itapon sa bukid.
Lumabas sa kanilang paunang pagsisiyasat, hiniram ng suspek ang cellphone ng biktima at ng makuha na niya ito ay tinulak at sinaksak na ni Cristobal si Liquanan.
Pagnanakaw ang tinitignang motibo sa naturang pananaksak.
Frustrated murder naman ang isasampang kaso sa tanggapan ng Prosecutor laban sa suspek.