BUTUAN CITY – Kinumpirma ng Department of Agriculture (DA)-Caraga na nakapagtala na ng kaso ng African Swine Fever (ASF) ang rehiyon partikular sa Brgy. Matho, bayan ng Cortes, Surigao del Sur.
Ngunit kaagad namang nilinaw ni DA-Caraga Executive Director Abel James Monteagudo na isolated lamang ang naturang kaso at madaling na-contain ng consolidated effort ng local government at ng mga miyembro ng Regional ASF Task Force.
Samantala inihayag naman ni Dr. Apple Jarumahum, ang DA-Caraga ASF focal person na na-cleared na ng regional task force kasama ng National Meat Inspection Service (NMIS)-Caraga ang area na kinikonsiderang ground zero hanggang sa .5 kilometer radius.
Tiniyak naman ni Jarumahum na ipagpatuloy ng task force ang kanilang imbestigasyon at clearing activities sa iba’t ibang lugar ng Cortes.
Sa ngayo’y wala pang inilabas na datus ang ahensya kung ilan na ang hog fatalities ngunit inihayag na na-cull o na-dispose na ng mga otoridad ang mga baboy na may sintomas ng ASF sa ground zero at sa loob ng 500- meter-radius.
Kinumpirma ng task force na ang dahilan ng ASF contamination sa ground zero ay ang mga processed pork products o mga hindi ni-regulate na pagbebenta ng mga processed food products at ito ngayon ang kanilang dinidetermina, lalo na ang source ng mga ito.
Napag-alamang ang pinakamalapit na lugar sa Caraga Region na may kumpirmadong ASF cases ay ang Tagum City sa Davao Region at ang Iligan City sa Lanao del Norte.