Liyamado umano sa mga prediksiyon maging sa betting odds ang kampeon na si Canelo Alvarez na mananalo laban sa kababayang si Julio Cesar Chavez, Jr.

Pinaburan si Alvarez dahil sa kalidad ng mga nakalaban nito kumpara kay Chavez.

Sa huling anim na laban ni Canelo, nanalo siya sa apat via knockout at  TKO.

Kaya naman sa mga pustahan sa Las Vegas, bumuhos ang pagiging paborito ni Alvarez.

Ito ay sa kabila na may bentahe sa tangkad, haba ng kamay at matibay daw sa itaas ng ring si Chavez.

Pero si Alvarez na liban sa mabilis, maganda ang footwork, meron din itong pamatay na kaliwang suntok.

Para sa kilalang CBS Sports, ang kanilang prediksiyon ay mananalo raw si Canelo via unanimous decision.

Ito rin naman ang hula ng  ESPN writer na si Dan Rafael at si Nigel Collins.

Ang boxing analyst at trainer ni Timothy Bradley na si Teddy Atlas ay nagsabing knockout ang mangyayari pabor kay Alvarez.

Ang Mexican legend na si Juan Manuel Marquez, inihayag nito na si Alvarez daw ang magwawagi via decision.

Kahit pa ang kanyang trainer at Hall of Famer na si Nacho Beristain ang tumulong kay Chavez sa training camp.

Para naman sa veteran referee na si Joe Cortez si Chavez ang kanyang pinili via split decision.

Si Floyd Mayweather Jr., ang kanyang hula, patutulugin daw ni Canelo si Chavez sa huling bahagi ng 12 rounds showdown.