-- Advertisements --

Aabot sa daan-libong respirator mask at face shields ang binigay na donasyon sa bansa ng Canada at Japan para magamit ng healthcare workers sa paglaban ng COVID-19.

Ayon kay Canada Ambassador to the Philippines Peter MacArthur, mahigpit ding nakikipag-ugnayan ang kanilang bansa sa estado para labanan ang pandemic.

“This includes regional cooperation with the Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) and its Member States because only together can we defeat the virus.”

Nasa 120,000 na N95 respirator masks ang nai-turnover ng Canada sa Department of Health nitong Huwebes. Nagkakahalaga raw ito ng CAD$ 833,000 o P30.6-milyon.

Samantala, nasa 144,000 face shields naman ang natanggap ng Philippine Consulate General mula sa Rotary Club of Japan sa Nagoya City.

Para kay Philippine Ambassador to Tokyo Jose Laurel, simbolo ito ng parang magkapatid nang relasyon ng dalawang bansa, na hindi matitinag ng pandemya.

Sa ikatlong linggo ng Setyembre maglalayag mula Port of Nagoya ang 40-foot container na naglalaman ng donated face shields ayon kay Rotary Club of Nagoya-Wago chairman Tetsuko Fukuda.

Nitong araw pumalo na sa higit 228,000 ang kabuuang bilang ng COVID-19 cases sa Pilipinas.