NAGA CITY – Kinumpirma ng pamilya ng bride to be na kasama sa 13 namatay sa aksidente sa San Fernando, Camarines Sur, na may mga nakita na silang “premonitions” bago mangyari ang trahedya.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Salvacion Culaway, tita ng biktimang si Bea Lucilo, sinabi nitong noong nasa kalagitnaan pa lamang ng pamamanhikan ang pamilya ng nobyong si Wilmer Pelaez, kapansin-pansin aniya ang tatlong water jug na puno ng juice at tubig.

Aniya, nagtaka sila kung bakit sa tuwing may lalapit na mga kasama ng husband to be sa naturang mga water jug ay bigla na lamang itong nahuhulog at minsan ay umaapaw ang tubig kahit wala namang inilalagay na yelo.

Ayon kay Culaway, nangyari ito ng halos tatlong beses.

Sa kabila nito, nanindigan si Culaway na kung nagpaalam sana sa kanila si Bea, hindi sana nila ito papayagan na umalis bilang pagsunod sa mga tradisyon ng mga nakakatanda.

Dagdag pa ni Culaway, noong nakabulagta na si Bea, saka lamang ito umamin sa kanya na dalawang buwan na pala itong buntis.