-- Advertisements --

NAGA CITY – Isinalalim na sa state of calamity ang Camarines Sur dahil sa naranasang malawakang pagbaha dahil sa Bagyong Tisoy.

Sa initial assessment, labis ang naitalang pinsala sa sektor ng agrikultura at imprastraktura kaya napagdesisyunan na ng Sangguniang Panlalawigan na ilagay ang lalawigan sa anim na buwang state of calamity na agad namang nilagdaan ni Gov. “Migz” Villafuerte.

Sa pagharap naman ni Vice Governor Imelda Papin sa mga kagawad ng media, sinabi nitong mas makabubuting isailalim na ang lalawigan sa state of calamity para agad na matulungan ang mga apektadong residente.

Maliban dito, nais din aniya nila na maipaabot kay Presidente Rodrigo Duterte ang kalagayan ng CamSur.

Kaugnay nito, nakatakda nang magpatupad ng price freeze ang Department of Trade and Industry sa mga bilihin upang matiyak na hindi makakapanamantala ang mga negosyante.

Samantala, patuloy ang monitoring sa mga totally damaged areas sa lalawigan maging ang datos sa mga typhoon related incidents.

Nabatid na umabot ng mahigit 400,000 katao ang inilikas sa CamSur, habang mahigit 1,000 kabahayan naman ang napinsala ng naturang bagyo.