-- Advertisements --

Umapela sina Camarines Sur 2nd District Rep. Luis Raymond Villafuerte at kanyang anak na si Gov. Migz Villafuerte na kaagad tulungan ang nasa 80,000 pamilya sa probinsya na apektado ng Super Typhoon Rolly.

Karamihan kasi aniya sa mga pamilyang ito mula sa 1,036 barangay ng probinsya ay totally o partially nawalan ng tirahan dahil sa pananalasa ng nagdaang bagyo.

Iginiit ni Villafuerte na bukod kasi sa Bagyong Rolly ay nauna nang sinalanta ng Bagyong Quinta ang buong probinsya, bukod pa sa COVID-19 pandemic na pahirap din aniya sa sitwasyon ng mga mamamayan.

Ayon kay Villafuerte, ang Camarines Sur ang siyang “hardest hit” ng Bagyong Rolly.

Ang mga magsasaka sa probinsya aniya ang siyang pinakalubhang apektado dahil mag-aani na sana sila ng kanilang pananim kung hindi lang tumama sa kanila ang naturang bagyo.

Kaya nman ngayong pa lamang ay sumulat na si Gov. Villafuerte kay Pangulong Duterte para humingi ng tulong sa pamamagitaan ng funding mula DSWD at iba pang fund resources para sa kanilang proposed cash aid na P3,000 hanggang P5,000 sa bawat isa ng 80,000 pamilyang apektado sa probinsya.