ROXAS CITY – Dumulog sa tanggapan ng Roxas City Police Station ang isang call center agent upang ireklamo ang ginawa umanong panghahalay sa kaniya ng anak ng kanilang landlord.

Kinilala ang biktima na si alyas Aiza, 27-anyos ma nagtatrabaho sa isang Business Process Outsourcing company sa Lungsod ng Roxas.

Ayon sa boardmate ng biktima, kumatok si Aiza sa kaniyang kwarto at hinahanap ang kanilang landlord at suspek na anak nito na si alyas John.

Nang kaniya umanong inusisa ang biktima, ay bakas sa mukha nito ang takot habang isinasalaysay ang kababuyang ginawa sa kaniya ng suspek.

Kuwento ni Aiza, hindi nito namalayan ang pagpasok ng suspek sa kaniyang kwarto at hindi na rin nito nagawang manlaban dahil sa sobrang takot.

Humingi naman daw ng patawad ang suspek sa biktima ngunit desidido si Aiza na sampahan ito ng kaukulang kaso.