-- Advertisements --

Pinag-iingat ng OCTA Research group ang pamahalaan sa pagbuo ng desisyon hinggil sa bagong quarantine rules pagsapit ng Mayo 15 para ma-sustain ang mga gains sa implementasyon ng enhanced community quarantine (ECQ) at modified (ECQ) sa Metro Manila at apat na karatig na probinsya.

Ayon kay OCTA Research fellow Prof. Ranjit Rye, suportado nila anuman ang magiging desisyon ng pamahalaan, pero inirerekomenda nilang mag-ingat ang mga ito sa paggawa ng anumang desisyon.

Kung sila ang tatanungin, sinabi ni Rye na mainam kung magkaroon ng calibrated slow exit strategy upang sa gayon ay mapanatili ang trends sa mga nakalipas na linggo.

Kung titingnan, parang nasa general community quarantine na rin aniya ang NCRP plus dahil mangilan-ngilang industriya na lamang ang nananatiling sarado.

Ayon kay Rye, ang average daily attack rate at positivity rate ng COVID-19 sa NCR ay nananatili pa ring mataas, kahit pa bumaba na sa 0.67 ang reproduction number.

Maging ang kapwa nito OCTA Research fellow na si Dr. Butch Ong ay nagsasabi rin na habang bumababa ang trends sa NCR Plus, maari pa rin itong bumaligtad anuman oras.