-- Advertisements --

Nakahanay na ang ilang probinsya sa bansa kung saan isasagawa ang Cloud Seeding Operation, dahil pa rin sa kawalan ng sapat na ulan.

Ayon sa Bureau of Soils and Water Management (BSWM), Kinabibilangan ito ng Cagayan, at iba pang probinsya sa Region 2, kasama na ang probinsya ng Bohol sa Central Visayas.

Ayon kay Engr. Ernesto Brampio, Water Resources Management Division Chief, lumalabas sa kanilang joint area assessment na kailangan na ang tulong ng cloud seeding, lalo na Cagayan.

Sa kasalukuyan aniya, nakahanda na rin ang pondo sa dalawang nabanggit na rehiyon: ₱9-million ay para sa Cagayan Valley habang ₱2.5-million para sa Bohol Province.

Maliban sa dalawang lugar, malaki rin umano ang posibilidad na magsagawa ang ahensiya ng cloud seeding operation sa Bulacan, para sa Angat Dam, dahil pa rin sa patuloy na pagbaba ng antas ng tubig nito.

Sa kabuuan, mayroong ₱18.5 million na pondong nakalaan para sa mga pinaplanong cloud seeding operation sa kasalukuyang taon.

Ayon kay Engr. Brampio, 80% na epektibo ang cloud seeding, para makapagdala ng mga pag-ulan sa mga target na lugar.