NAGA CITY – Malabo aniya na tumaas ang bilang ng mga biyahero ngayong holiday season dahil sa mga panuntunan na ipinapatupad sa lungsod ng Naga.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Nonoy Reforsado, operations manager ng Bicol Central Station, sinabi nito na hindi niya inaasahan na bubuhos ang mataas na bilang ng mga pasahero ngayong holiday season dahil wala pang mga available na byahe palabas at papasok sa Bicol region.
Aniya, isa pa sa dahilan nito ay ang pinapatupad ng Bicol Inter-Agency Task Force (Bicol-IATF) na 50% seating capacity sa loob ng bus.
Ayon pa dito, nakahanda umano ang bus terminal sakaling dumating ang panahon na payagan na ng Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB) at ng Bicol-IATF na buksan na ang biyahe papasok sa rehiyon.
Dagdag pa ni Reforsado, wala pa namang pagbabago sa protocols na ipinapatupad sa loob ng terminal.
Sinabi pa nito na ang tanging posibleng maging abala lamang dito ay ang mga bibili at magsasagawa ng Christmas shopping sa mga karatig bayan.
Ngunit sa kabila nito, hindi naman na aniya kailangan pa na magdagdag ng mga personnel dahil tiwala naman ito sa mga empleyado na magagampanan ng mga ito ang kanilang responsibilidad.
Tiniyak naman nito na sakaling magkaroon ng problema sa loob ng terminal ay agad naman umano itong maaaksiyunan dahil maaayos ang kanilang pakikipag-ugnayan sa Land Transportation Office (LTO), LTFRB, Philippine National Police (PNP) at maging sa iba pang ahensiya.