BUTUAN CITY – Hinatulan ng anim hanggang 10 taong pagkakabilanggo at perpetual disqualification mula sa public office si dating Butuan City Mayor Leonides Theresa Plaza at pito pang local officials.
Ito’y matapos ma-convict ng Sandiganbayan 3rd Division sa dalawang bilang ng kasong graft kaugnay sa 2004 fertilizer fund scam.
Sa 73 pahinang desisyong ipinalabas ng anti-graft court, napatunayang guilty ang dating alkalde at guilty rin sa isang bilang ng kasong graft ang mga nagngangalang Salvador Satorre, Adulfo Llagas, Arthur Castro, Rodolfo Evanoso, Bebiano Calo, Danilo Furia, at Melita Galbo.
Kaugnay ito sa kanilang paglabag sa sections 3(e) at 3(g) ng Anti-graft and Corrupt Practices Act dahil sa pag-purchase sa 3,333 bote ng liquid fertilizers mula sa Feshan Philippines, Inc. sa halagang P1,500 bawat isa na overpriced ng 1,000 porsiyento.
Ayon kay Associate Justice Ronald Moreno, napatunayan ng Office of the Ombudsman at ng Commission on Audit na ang nasabing mga fertilizers ay kagaya ang kalidad sa mga festilizers na nagkakahalaga lamang ng P120 hanggang P125 bawat litro.
Inihayag ng Sandiganbayan na binalewala ni Plaza ang mga proseso ng Government Procurement Reform Act o kaya’y nilangdaan lang nito ang mga dokumento matapos makitang pumirma na rito ang ibang mga opisyal.
Mayroon ding nakitang sabwatan sa pagitan ng akusado at ng kinatawan ng Feshan na si Lucio Lapidez dahil minamadali nila ang procurement process para sa benepisyo ng kompanya kahit na makakasira ito sa Lungsod ng Butuan.
Inatasan din ang dating mayor na magbayad ng nasa P4.5-milyong multa sa Butuan City government.
Ang desisyon ay parehong sinang-ayunan nina Presiding Justice Amparo Cabotaje-Tang at Associate Justice Bernelito Fernandez.