LEGAZPI CITY – Nakatulong umano ang coronavirus pandemic upang makapagpahinga ng ilang buwan ang mga tourism sites sa Pilipinas.

Sinabi ni Sorsogon Provincial Tourism head Bobby Gigantone sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, na dahil sa krisis ay ipinasara muna ang lahat ng tourism sites at walang pinayagang bumisita kaya nalimitahan ang polusyon.

Pinakanatulungan aniya sa hakbang ang mga butanding na malayang nakakalangoy sa mas magandang kalidad ng tubig sa karagatan na mayaman sa plankton.

Ang plankton ang nagsisilbing pagkain ng mga “gentle giants”.

Dahil dito, dumoble ang butanding average daily sightings kung saan mula sa dating anim ay nasa 15 hanggang 20 na umano at lumalangoy na mas malapit sa shoreline.

Samantala upang matulungan ang mga nagtatrabaho sa tourism industry kagaya ng tour guide, beauty and wellness personnel, event organizers at iba pa, namigay na rin ng relief assistance ang provincial government.