NAGA CITY – Arestado ang isang businesswoman matapos nitong barilin ang sariling asawa sa Purok 3, Barangay Malaguit, Paracale, Camarines Norte.

Kinilala ang suspek na si alyas Ody, 38-anyos, residente ng nasabing lugar.

-- Advertisement --

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Camarines Norte Police Provincial Office, napag-alaman na halos limang taon na umanong hiwalay ang mag-asawa at bandang alas-6:05 ng gabi noong Setyembre 19, 2021 nang magkaroon ng mainit na pagtatalo ang mga ito hinggil sa sustento para sa kanilang anak.

Samantala, sa kalagitnaan umano ng pagtatalo ng mga ito nang kinuha ng suspek ang isang baril mula sa compartment ng kanyang motorsiklo at ipinutok sa mukha ng kanyang asawa.

Dahil dito, nagtamo ng tama ng bala ng baril sa kanyang mukha ang biktima na agad naman na dinala sa ospital para sa asistensya medikal.

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang suspek para sa karampatang disposisyon.