-- Advertisements --

Nagpahayag ng suporta ang grupo ng mga negosyante sa pagtanggal nang ilang economic provision ng 1987 Constitution.

Ilan sa mga economic provisions na nais talakayin sa pag-amiyenda sa Saligang Batas ay ang tungkol sa ownership at investment opportunities sa mga banyaga, partikular na sa telecommunications industry.

Base sa “consolidated comparative matrix” na inilabas ni House Committee on Constitutional Amendments chairman Alfredo Garbin, 2013 pa nang nagpahayag ng kanilang suporta sa amiyenda sa economic provisions ng Saligang Batas ay ang Makati Business Club, Management Association of the Philippines, Employers Confederation of the Philippines, Philippine Mining and Exploration Association, at Foundation for Economic Freedom, pati na rin ang negosyante na si Peter Wallace.

Maging ang American Chamber of Commerce Philippines Inc. (AmCham), at Joint Foreign Chambers of the Philippines (JFC), nagpahayag din ng kanilang suporta rito noon pang 16th Congress (2013-2016).

Nauna nang inatasan ni Speaker Lord Allan Velasco, may-akda ng Resolution of Both Houses 2, si Garbin na buksan ang diskusyon sa pag-amiyenda sa mga “restrictive provisions” ng Konstitusyon sa oras na magbalik sa kanilang sesyon ang Kongreso sa Enero 18.

Tiniyak naman ni Garbin na ituturing ng kanyang komite ang panukalang batas na ito na transparent at patas, katulad ng sa ibang mga panukalang batas na tinatalakay din sa plenaryo ng Mababang Kapulungan.