Nagsanib-pwersa na ang pamahalaan, sektor ng paggawa, at mga employers upang balangkasin ang mga agarang hakbang na sasalba sa mga trabaho at negosyo sa bansa sa gitna ng walang-patid na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.
Nabuo ang kasunduang ito sa idinaos na pagpupulong ng National Tripartite Industrial Peace Council (NTIPC) sa Quezon City.
Ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE), pangunahing layunin ng nasabing hakbang na protektahan ang kabuhayan ng mga manggagawang Pilipino at tiyakin ang patuloy na operasyon ng mga kumpanya sa kabila ng kinakaharap na hamong pang-ekonomiya bunsod ng serye ng oil price hikes.
Sa nasabing diyalogo, pinangunahan ni DOLE Officer-in-Charge Benedicto Ernesto Bitonio, Jr. ang panawagan sa hanay ng mga namumuhunan.
Mahigpit niyang hinikayat ang mga kumpanya na konsultahin at isali ang kanilang mga empleyado sa pagbuo at pagpapatupad ng kani-kanilang business continuity plans upang maiwasan ang malawakang tanggalan sa trabaho.
Bilang bahagi ng pagtugon ng pamahalaan, nangako ang kagawaran na mas palalakasin pa nito ang mga social protection programs, kabilang na ang emergency employment at livelihood assistance.
Tiniyak ng DOLE na partikular na tututukan sa pamamahagi ng tulong ang mga pinakaapektadong manggagawa mula sa sektor ng transport at logistics.
















