Pinag-iingat ngayon ng Bureau of Immigration (BI) ang mga gustong mag-abroad laban sa mga advertisement online na nag-aalok ng trabaho sa ibayong dagat.
Ang paalala ng BI ay kasunod na rin ng pagkakaligtas sa apat na trafficking victims sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na iligal na na-recruit para magtrabaho sa Thailand, Laos at Dubai.
Ayon kay Bureau of Immigration (BI) Commissioner Norman Tansingco, hindi na nila inilabas ang pagkakakilanlan ng mga biktima para sa kanilang proteksiyon.
Naharang ang mga ito sa NAIA terminal 1 matapos tangkaing sumakay sa Tiger Air flight patungong Singapore.
Ang tatlo sa mga biktima ay mayroon daw connecting flights sa Bangkok, Thailand at nagpalusot ang mga itong pupunta lamang sila sa pitong araw na bakasyon.
Pero kinalaunan ay umamin daw ang mga itong na-recruit sila para magtrabaho bilang customer service representatives sa Thailand at Laos.
Pinangakuan daw ang mga ito na makakatanggap ng P50,000 na sahod sa sandaling sila ay makapasok sa trabaho.
Na-recruit daw ang mga ito sa pamamagitan ng Facebook ads.
Ang isa namang biktima ay sinabi raw na magbabakasyon ng limang araw sa Singapore.
Nagpahayag naman ng pagkadismaya ang BI chief dahil sa laganap na human trafficking gamit ang mga online ads para makapambiktima.
Pinapurihan naman ni Tansingco ang mga immigration officers na humarang sa trafficking attempt.
Ang lahat ng mga biktima ay ipinasakamay na sa Inter Agency Council Against Trafficking (IACAT) para sa ibibigay na tulong at ang isasagawang imbestigasyon.