-- Advertisements --
image 110

Plano raw ngayon ng Department of Justice (DoJ) na pansamantalang putulin ang komunikasyon sa loob ng New Bilibid Prison (NBP).

Sinabi ni DoJ Secretary Jesus Crispin Remulla, ikinokonsidera raw kasi ng Bureau of Corrections (BuCor) na putulin ang lahat ng communication lines sa lahat ng NBP sa susunod na 30 araw.

Binigyang diin ni Remulla na ang lahat ng correction institutions sa buong mundo ay bawal daw talaga ang telepono.

Aniya, sa Pilipinas lang nakakalusot ang mga cellphone sa loob ng mga piitan.

Kaya ngayon, mayroon daw silang tinatrabaho ng bagong namumuno sa BuCor tungkol dito.

Una rito, narekober ang mga computer, wi-fi hotspots at telepono sa sa loob ng national penitentiary.

Iniuugnay naman ngayon sa imbestigasyon sa pagpatay sa broadcast journalist na si Percy Lapid sa communications sa loob ng piitan dahil sa mga transaksiyon gamit ang Facebook messenger.

Ang BuCor ay naging sentro ng kontrobersiya dahil nakaladkad ito sa mga testimonya ng mga bilanggo mula sa NBP dahil sa pagpatay kay Lapid.

Nitong nakaraan, nagprisinta ang BuCor ng mga assorted na kontrabando na kanilang nakuha sa loob ng pambansang piitan kabilang na ang kutsilyo, baril, cellphones, drugs at nasa 7,500 na beer.