Gagamit na ngayon ng high-tech gadgets ang Bureau of Corrections para sa mas mahigpit na pagbabantay sa loob ng New Bilibid Prison.
Ito ay matapos na matuklasan ng mga otoridad ang ilang iregularidad sa loob nasabing bilangguan.
Ayon kay BuCor officer-in-charge Gregorio Catapang Jr., kabilang sa mga ito ay ang ipapagamit na tablet na pag-aari ng bureau sa mga kaanak ng mga inmate na bibisita sa nasabing kulungan.
Aniya, ito ang gagamitin ng mga bilanggo upang makausap sa video call ang kanilang mga mahal sa buhay.
Dagdag pa ni Catapang, sakaling may mga sumubok na magpuslit ng ilegal na cellphone sa loob ng Bilibid ay agad nila itong malalaman dahil mayroon aniya silang kakayahan na i-monitor ang lahat ng mga gadget na ginagamit sa loob nito na hindi nakarehistro sa Bucor.
Bukod dito ay iniulat din ng opisyal na gagamit na rin sila ng drone at body cam para sa pagbabantay sa nasabing bilangguan, hindi lamang sa mga preso kundi pati na rin sa mga taugan mismo ng BuCor sa Bilibid.
Samantala, una rito ay inihayag din ng Bureau of Corrections na magdadagdag din ito ng X-ray machines, at metal detectors sa lahat ng entrance ng naturang bilangguan, kasabay ng pagpapakalat ng 30 canina units para naman sa pagdetect ng ilegal na droga, bomba, at iba pa.