-- Advertisements --

Ipinag-utos ni PNP Chief PGen. Guillermo Eleazar kay Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Director PMgen. Albert Ignatius Ferro na disarmahan at isailalim sa restrictive custody ang lahat tauhan ng CIDG-Quezon City field Unit para sumailalim sa imbestigasyon.

Ito’y dahil sa alegasyon ng pagkakasangkot sa pangingikil, kapalit ng pagpapalaya sa isang arestadong negosyante.

Una nang pinasibak ni P/MGen. Ferro ang mismong hepe ng CIDG-QC field Unit na si P/Maj Merbern Bryan Lago at tauhan nito na si PSMsgt. Ruel Chu.

Sina Lago at Chu ay ini-uugnay sa pangingikil ng 3 milyong piso kapalit ang kalayaan ni Adrian Dominic Ang na may-ari ng ADA Farm Agriventure na inaresto sa bisa ng warrant of arrest.

Giit ni Eleazar, walang lugar sa PNP ang mga ganitong pulis, at makakaasa ang mga mamayan na magpapatuloy ang paglilinis sa hanay ng PNP sa ilalim ng kanilang Intensified Cleanliness Policy.

Samantala, kinumpirma ni Ferro na inalis na niya sa pwesto ang nasa 10 opisyal ng CIDG Quezon City Field Unit.

Sinabi ni Ferro kasalukuyang nasa restrictive custody ang mga ito sa CIDG-NCR sa Camp Crame habang ongoing ang investigation.

Batay sa inisyal na imbestigasyon, isang police commissioned officer ar isang non-commissioned officer ang sangkot sa extortion.

“Doon kami magpo focus ng aming investigation kasi yung complainant natin ay may allegation na ganon kaya yun ang aming ipu push on the criminal and administrative case ng pulis natin sa quezon city field unit ng CIDG NCR, “ pahayag ni Ferro.

Sinasabing nanghingi ang mga ito ng P3 million sa complainant kapalit ng kalayaan ng naarestong negosyante.

Binigyang-diin din ni Ferro na sakaling mapatunayan na walang kinalaman sa extortion ang ibang tauhan ng CIDG QC field unit, kaniyang hihilingin kay PNP chief na ibalik ang mga ito sa pwesto.