Isinailalim na state of calamity ang buong lalawigan ng Pampanga dahil sa epekto ng Habagat na pinaigting ng nagdaang bagyong Egay at kasalukuyang bagyong Falcon.
Ito ay matapos aprubahan ng Sangguniang Panlalawigan ang resolution para sa deklarasyon ng state of calamity kasunod ng rekomendasyon ng Pampanga Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC).
Base sa report mula sa PDRRMC nitong Hulyo 31, nagdulot ng pagbaha ang matinding pagulan dala ng habagat sa 232 barangay mula sa 15 lokal na pamahalaan sa lalawigan na nakaapekto sa mahigit 144,000 pamilya o mahigit kalahating milyong indibidwal.
Sa nasabing bilang mahigit 6,000 indibidwal dito ay inilikas na sa mga evacuation center.
Nagdulot din ng malawak na pinsala sa sektor ng agrikultura ang masamang lagay ng panahon sa lalawigan na pumalo na sa mahigit P315 million na nakaapekto sa kabuhayan ng nasa 3,770 magsasaka at mangingisda.