Nakapagtala ng kabuuang 372 rockfall events sa bulkang Mayon sa nakalipas na 24 oras ayon sa ulat mula sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).
Mas mataas ito kumpara sa 241 rockfall events na napaulat kahapon.
Base sa 8am bulletin ng ahensiya, dumami ang ibinubugang sulfur diioxide ng bulkan sa 964 tonelada nitong nakalipas na araw mula sa naitalang 752 tonnes noong araw ng Lunes.
Ang lava flow naman mula sa crater patungo sa Mi-isi gully ay umabot pa sa 1.6 kilometers ngayong araw mula sa 1.3 kilometers na naitala kahapon habang mabagal na pag-daloy naman ng lava flow ang naobserbahan mula sa bunganga ng bulkan patungo sa Bonga gully na umabot sa 1.2 kilometers.
Habang isa lamang ang naitalang volcanic earthquake sa bulkan.
Nasa 7 dome-collapse pyroclastic density current events naman ang naobserbahan.
Sa ulat naman mula sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ngayong araw, nasa kabuuang 41,483 residente pa rin ang apektado ng mga aktibidad ng bulkan o katumbas ito ng mahigit 10,000 pamilya.
Sa mga apektadong reisdente, nasa 18,706 indibidwal o 5,354 pamilya ang nanunuluyan sa mga evacuation centers habang ansa halos 1,500 katao naman ang lumikas sa ibang mga lugar na malayo sa bulkan.
Ayon pa sa ahensiya, nasa kabuuang mahigit P105.3 million ayuda na ang naipamahagi sa mga apektadong residente sa Albay.