Pinayagan ng Bureau of Corrections (BuCor) ang Puerto Princesa City Water District (PPCWD) na makakuha ng tubig mula sa mga pinagkukunan sa loob ng hurisdiksyon ng Iwahig Prison and Penal Farm (IPPF) para sa mga residente ng lungsod.
Ang suplay ng tubig ay magmumula sa Sta. Lucia river, Inagawan river, at iba pang source sa loob ng Iwahig Prison and Penal Farm.
Sinabi ng BuCor na tiniyak ni Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr. na ang kawanihan ay laging bukas para tumulong at makipagtulungan sa anumang kapasidad na itinuturing na kinakailangan partikular na sa mga lugar kung saan matatagpuan ang mga kulungan at penal farms.
Ang Iwahig Prison and Penal Farm sa Puerto Princesa City ay isa sa pitong detention facility ng BuCor sa buong bansa.
Bukod sa Iwahig Prison and Penal Farm, ang anim pang bilangguan at penal farm ay ang New Bilibid Prison sa Muntinlupa City, Correctional Institution for Women sa Mandaluyong City, San Ramon Prison at Penal Farm sa Zamboanga City, Sablayan Prison at Penal Farm sa Occidental Mindoro, Leyte Regional Prison sa Leyte, at ang Davao Prison and Penal Farm (DPPF) sa Davao del Norte.
Nagpahayag ng pasasalamat ang Konseho ng Lungsod ng Puerto Princess sa pamamagitan ng pagpasa ng Resolution No. 605-2023 na kumikilala sa pamunuan ng BUCOR na nagbigay ng walang pag-aalinlangan sa kahilingan para sa paggamit ng mga yamang tubig nito para sa patuloy na pagtamasa ng mga residente sa paggamit ng ligtas suplay ng tubig.