-- Advertisements --
BSP Bangko sentral ng Pilipinas

May posibilidad na hindi magtaas ng interest rate ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) sa buwan ng Mayo kapag hindi bumilis ang inflation o bilis ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo ngayong Abril ayon kay Governor Felipe Medalla.

Ayon pa kay Medalla, posibleng hindi magtaas ang BSP ng rates sa isasagawang pagpupulong ng Monetary Board sa Mayo 18 kapag ang consumer price index ngayong abril ay hindi mas mataas kumpara sa consumer price index noong Marso.

Dagdag pa ni Medalla na ang zero o negative month-on-month inflation ay magkukumbinsi sa monetary authorities na hindi maghigpit ng kanilang interest rate.

Una ng iniulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) noong nakalipas na linggo na pumatak sa 7.6% ang year on year inflation noong Marso, mas mabagal ito kumpara sa 8.6% year-on-year inflation noong Pebrero.