-- Advertisements --

Tumaas ng 10,802%  ang volume ng e-payment transaction sa Pilipinas noong 2020 dahil sa idineklarang community quarantines, ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).

Sa isang virtual briefing, sinabi ni BSP Governor Benjamin Diokno na ang combined value ng InstaPay at PESONet transactions noong 2020 ay tumaas naman ng 929%.

Ang volume ng PESONet transfers lamang ay umakat sa 15.3 million noong nakaraang taon o katumbas ng 376% growth, habang ang halaga ng mga transaksyon na ito ay umakyat ng 188% sa P951.6 billion.

Para naman sa InstaPay, sinabi ng BSP na umakyat ang volume nito ng 459% sa 86.7 million transactions na nagkakahalaga ng P463.4 billion o 340% na mas mataas kumapara noong 2019.

Sa kabila nito, sinabi ni Diokno na bumaba ng 60% ang coin demand at 57% naman pagdating sa year-on-year volume noong 2020, bahagyang dahil sa matamlay na economic activity.

Noong nakaraang buwan lang, sinabi ni Diokno na pagsapit ng 2025 inaasahang magiging coinless society na ang Pilipinas.