-- Advertisements --
image 428

Ipinag-utos ng Korte Suprema na ituloy pa rin ang halalan para sa Barangay at Sangguniang Kabataan sa buwan ng Oktubre ngayong taon.

Ito ay sa kabila ng pagdedeklara ng kataas-taasang hukuman bilang unconstitutional ang batas na nagpapaliban sa naturang local election mula sa orihinal na schedule nito noong Disyembre 5, 2022 hanggang sa huling Lunes ng buwan ng Oktubre ngayong taon.

Sa kabila nito, kinikilala ng Korte ang legal practicality at pangangailangan ng pagpapatuloy sa pagsasagawa ng BSKE sa huling araw ng Lunes ng Oktubre 2023.

Kasunod ng desisyon ng SC, sinabi ng Commission on Elections (Comelec) na walang magbabago sa kanilang isinasagawang paghahanda at ang naturang ruling aniya ng Korte Suprema ay bilang gabay sa hinaharap ng political departments ng gobyerno.

Una rito, sa naging ruling ng Korte Suprema, binanggit nito na ang pagsasagawa ng “genuine periodic elections” ay dapat na hindi masyadong mahaba at tiyakin na ang authority ng pamahalaan ay nakabatay pa rin sa kagustuhan ng mga tao.

Ipinunto rin nito na walang kapangyarihan ang Comelec na ipagpaliban ang halalan sa buong bansa at ang Kongreso lamang ang may awtoridad na gawin ito kabilang ang constitutional power nito na itakda ang termino ng panunungkulan ng mga opisyal ng barangay.

Sinabi din ng tribunal na nilalabag ng batas ang kalayaan sa pagboto o ang karapatang bumoto ng mga tao dahil hindi ito sumunod sa mga kinakailangan at mahahalagang aspeto ng constitutional due process.

Gayunpaman, nilinaw ng SC na ito ay simpleng pagpapatupad lamang at pagtataguyod ng supremacy ng Konstitusyon at kinikilala ang RA 11935 na nagpapaliban sa local election bilang isang operative fact na hindi maaaring baligtarin o balewalain.