-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Hinigpitan ngayon ang mga ipinapatupad na seguridad sa United Kingdom dahil sa naging pahayag ng Duke of Sussex na si Prince Harry na nakapatay siya ng 25 Taliban fighters sa Afghanistan.

Ito ang isa sa mga lumabas na rebelasyon sa kanyang kauna-unahang talambuhay na “Spare”.

Inihayag ni Bombo International News Correspondent Atty. Girlie Gonito na naging mapanganib sa United Kingdom ang pahayag ni Prince Harry na pagkakapatay niya sa mga Taliban fighters na ikinagalit ng mga opisyal ng Taliban sa Afghanistan dahil maari silang magsagawa ng paghihiganti.

Naka-red alert ngayon ang British Army at Marines at nakahanda sa anumang pangyayari na idulot ng pahayag ni Prince Harry.

Karamihan ng mga Briton ay hindi naniniwala sa laman ng talambuhay ni Prince Harry at iniisip na lang nila na kailangan nilang mag-asawa ng malaking pera na ibinayad sa kanyang talambuhay na umaabot sa 200 million pounds.

Wala na anyang pagkakitaan sina Prince Harry at asawang si Meghan Merkel dahil natanggalan sila ng Royal Titles.

Ayon sa nakakaraming Briton, sinisira lamang ni Prince Harry ang kanyang imahe at kung totoo ang kanyang sinasabi ay kuwestiyunable dahil nagpabayad siya ng 200 million pounds sa kanyang talambuhay bukod pa sa mga pinasok na kontrata sa entertainment industry na kikita ng malaking pera.

Sinabi ni Atty. Gonito na nauna nang pinabulaanan ni Catherine, Duchess of Cambridge ang pahayag ni Prince Harry at tinawag niyang sinungaling ang Duke of Sussex at Duchess of Sussex na si Meghan.

Kung mayroon mang kinikimkim na sama ng loob si Prince Harry sa kanyang ama na si King Charles III dahil sa pagpapakasal kay Camila ay hindi na sana niya ito dinagdagan ng paninira.

Kaugnay naman sa paratang nito sa kanilang pag-aaway na ‘Itinulak siya ni William sa sahig’ dahil ayaw nitong mapangasawa si Meghan ay maraming security na nakapaligid sa kanila at tiyak na hindi nila ito papayagang mangyari sa magkapatid.

Laman din sa rebelasyon ni Prince Harry na siya ay 17-anyos nang mawala ang kanyang pagkabirhen sa isang matandang babae sa isang pub at ang paggamit ng cocaine sa edad na 17.

Samantala inihayag naman ng Buckingham Palace na reresolbahin nila ito privately at kakausapin si Prince Harry kaugnay sa lumabas sa kanyang talambuhay.