CAUAYAN CITY- umarangkada na ang Brigada eskwela 2022, sa ilang eskwelahan sa Santiago City ngayong araw bilang paghahanda sa nalalapit na pasukan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, kay Dr. Lolita Lorenzo, ang principal ng Batal Elementary School, sinabi niya na minabuti nilang sumabay sa national opening ng Brigada Eskwela upang mas maayos nila ang paligid ng kanilang eskwelahan.
Aniya pinili nilang simulan ng mas maaga ang paghahanda dahil ito umano ang kagustuhan ng kanilang mga stakeholders lalo na ang mga magulang ng kanilang mga mag-aaral.
Masaya naman ang punong guro dahil dinagsa sila ng mga magulang na agad sinimulan ang pagwawalis, ang pagbubunot ng mga damo at pagpuputol ng mga sanga ng puno sa paligid.
Isa din sa mahigpit na tututukan ay ang pagpuksa sa mga posibleng pamugaran ng mga lamok lalo’t nakapagtala na ng kaso ng dengue ang barangay.
Nakiisa rin sa Brigada eskwela ang Sangguniang kabataan, mga 4Ps beneficiaries, mga kasapi ng pulisya at mga opisyal ng barangay.
Hangarin nila na masiguro na ligtas at maayos ang eskwelahan para sa mga batang magbabalik eskwela sa August 22, 2022.