Simula alas-6:00 bukas ay isasailalim na sa “extreme” enhanced community quarantine o lockdown ang dalawang barangay sa Quezon City dahil sa umakyat pang bilang ng mga kaso ng coronavirus disease (COVID-19) sa lungsod.
Kabilang sa mga ito ang Brgy. Kalusugan sa 4th District, at Brgy. Tandang Sora sa 2nd District na parehong may tig-tatlong kaso ng sakit.
Ayon kay Mayor Joy Belmonte, alinsunod ito sa guidelines na nasa ilalim ng Enhanced Community Quarantine na ipinatupad ni Pangulong Duterte sa Luzon.
“Ayon sa guidelines ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Disease, kapag may dalawang kaso sa isang barangay na hindi nagmula sa iisang bahay maaaring isailalim na sa extreme enhanced community quarantine ang barangay,” ani Belmonte.
“Kung dalawang barangay na sa loob ng isang lungsod ang may kaso, maaaring isailalim na sa extreme enhanced community quarantine ang buong lungsod.”
Sa kasalukuyan, 29 na ang kaso ng COVID-19 sa buong Quezon City, at nahahati ito sa 22 barangay.
May isa ng namatay na mula Brgy. Old Balara; at may tatlo ng nag-recover, kabilang na ang pinaka-batang pasyente na 13-year old mula Brgy. Bagong Lipunan ng Crame.
Ayon kay QC Disaster Risk Reduction and Management Office Chief Myke Marasigan, mahigpit ng pagbabawalan lumabas yung mga kasama sa bahay ng coronavirus patients ng nabanggit na dalawang barangay.
Ituturing naman na hot zone ang iba pang barangay na may confirmed case.
Tututukan din ng lokal na pamahalaan ang mga residente na nasa loob ng 500-meter radius mula sa bahay ng COVID-19 patients bilang warm zones.
“Sa mga bahay na identified kung saan nakatira yung ating (COVID-19) patient, hindi na natin sila papayagan lumabas at magikot-ikot sa labas.”
“Magse-set up yung QC police district ng mga checkpoint. So there’s a portion in E. Rodriguez Ave. na isasara sa public, ganoon din ang situation sa East Avenue,” ani Marasigan.
Nilinaw naman ng lokal na pamahalaan na papayagan pa ring dumaan ang publiko sa mga apektadong lugar basta’t magpapasailalim sa screening ng pulisya.
Pero limitado lang daw ito para sa mga pasyenteng kailangan ng tulong medikal, doktor at iba pang health workers, nagde-deliver ng kailangang supplies, at tig-dalawang kamag-anak ng mga pasyente sa ospital.
Gagamitin naman bilang quarantine facility ang Quirino Memorial Medical Center.