VIGAN CITY – Ginagamot na ngayon sa City of Candon Hospital ang isang barangay kagawad na nasunog ang mukha at ilang bahagi ng katawan matapos na sabuyan ng nakasinding lampara ng kainuman nito kagabi.

Nakilala ang biktima na si Marcelino Cagdan Bacolong Jr., 55, residente ng Brgy. San Andres.

Habang ang suspek naman ay si Ariel Bang-asan Aquino, 39.

Batat sa ulat, nag-iinuman ang biktima at ang suspek dahil kaarawan ng anak ni Bacolong nang magkaroon umano ito ng mainit na pagtatalo na hindi kalaunan ay nauwi sa rambolan.

Naayos naman daw ng sandali ang tensyon pero pumasok umano sa kanilang bahay si Aquino at bumalik ng may dalang nakasinding lampara na siyang ibinato nito sa mukha ng kagawad.

Kaagad na nadala sa ospital ang biktima samantalang ang suspek ay nakakustodiya na sa Candon City police station at inihahanda na ang kasong isasampa laban sa kaniya.