-- Advertisements --

Nag-deactivate na ng kanyang Instagram account ang Filipino-American pageant titleholder na si Brandon Espiritu matapos umani ng matinding batikos sa social media kaugnay ng kanyang pahayag tungkol sa mga tinatawag na “halfies” o mixed-race Filipino contestants.

Si Espiritu, na kumatawan sa Pilipinas sa 2024 Mister Supranational pageant sa Poland at nagtapos bilang second runner-up, ay pinuna matapos sagutin ang isang netizen na nagtanong kung bakit hindi siya kumanta ng Tagalog na awitin sa isang video kasama ang iba pang international candidates.

Sa kanyang sagot, sinabi niya: “Tell that to all the front runners for the Philippines. This country wouldn’t have a chance on the national stage without us halfies.”

Agad na nagpataas ito ng kilay sa mga pageant fans at negatibong reaksyon sa publiko, kung saan maraming netizens ang nagsabing minamaliit nito ang mga full-blooded Filipino contestants at nagbibigay ng impresyon na mas lamang ang mga mixed-race candidates sa international pageantry.

Kasunod ng kontrobersiya, napansin ng mga netizens na bumaba din ang kanyang Instagram followers mula sa mahigit 214,000 hanggang sa humigit-kumulang 198,000 bago tuluyang in-activate ang kanyang account.

Bukod kay Espiritu, nadawit din sa isyu ang kapwa Fil-Am pageant titleholder na si Jether Palomo matapos niyang magkomento sa isang post na siya ay nanunumpa ng katapatan sa bandila ng Estados Unidos, na lalo pang nagpainit ng ulo ng mga Filipino at nag-bigay diskusyon online tungkol sa mga “halfies” na nire-represent ang Pilipinas sa international pageant.

Kabilang sa mga kapwa nasa pageant na pumuna sa maling pag-uugali ng dating title holder sina Miss Universe Philippines 2025 first runner-up Wynwyn Marquez, Miss Grand International 2024 first runner-up CJ Opiaza, Filipino-Palestinian beauty queen Gazini Ganados, at aktres at beauty queen Stacey Gabriel.