Humingi ng pamumanhin sa kanyang social media si dating Mister Supranational Philippines 2024 Brandon Espiritu matapos ang kanyang kontrobersyal na komento tungkol sa mga beauty pageant contestant na may halong banyaga o tinawag niyang “halfies.”
Nag-ugat ang isyu sa isang viral na palitan ng komento sa Instagram sa pagitan ni Espiritu at Filipino-American model at pageant titleholder na si Jether Palomo. Sa naturang mga conversation, sinabi ni Espiritu na mahihirapang makipagsabayan ang Pilipinas sa national pageant kung wala ang mga Pilipinong may dugong banyaga.
Si Palomo, na madalas na kumakatawan sa Pilipinas sa mga male pageant, ay kinoronahang Mister Pilipinas Global 2025 at naging kinatawan ng bansa sa Mister Global 2025, kung saan nagtapos siya sa Top 11. Bago ito, nakilala rin siya bilang grand winner ng isang can tuna brand at first runner-up sa Mister Tourism World 2023 na ginanap sa Brazil.
Lumala ang kontrobersiya matapos magkomento si Palomo ng linyang “I pledge allegiance to the flag,” na tumutukoy sa watawat ng Estados Unidos, kaugnay ng isang pageant segment kung saan pinakanta ang mga kalahok gamit ang kanilang sariling wika. Sumagot si Espiritu ng, “Raise that flag brother.”
Isang netizen ang nagtanong kung bakit walang umawit sa Tagalog kahit may mga kalahok na kumakatawan sa Pilipinas. Dito ay sinabi ni Espiritu na hindi naman sila nakatira sa Pilipinas. Nang sabihin ng netizen na dapat ay ibang bansa ang kanilang kinatawan, sumagot si Espiritu na: “Tell that to all the front runners for the Philippines. This country wouldn’t have a chance on the national stage without us halfies.”

Dahil sa naturang pahayag, maraming netizen ang napataas ang kilay at nadismaya lalong buwan ng pagiging malaya ng Pilipinas at nagsabing tila minamaliit nito ang kakayahan ng mga Pilipinong fully blooded na manalo sa international pageant.
Kabilang sa mga nagbigay ng reaksiyon sina Miss Universe Philippines 2024 first runner-up Stacey Gabriel at kilalang Filipino fashion designer na si Michael Cinco.
Ayon kay Stacey, ang paggamit ng terminong “halfies” ay nakapagpapalalim lamang ng pagkakahati-hati sa pagitan ng mga Pilipino. Samantala, pinuna naman ni Cinco ang umano’y pag-uugali ng ilang personalidad na nagpapakita ng pagiging mayabang sa iba sa kabila ng kanilang pinagmulan.

Dahil dito naglabas ng pahayag si Espiritu upang humingi ng paumanhin at linawin ang kanyang naging komento online.
“I am proud to represent the Philippines and proud of my Filipino heritage. The last thing I would ever want is to diminish the accomplishments of Filipinos, whether they are full Filipino, mixed Filipino, or anyone who has had the honor of carrying our flag on the international stage,” ani Espiritu.
Binigyang-diin niya na hindi niya layuning maliitin ang mga tagumpay ng mga Pilipinong kumatawan sa bansa sa iba’t ibang patimpalak. Humingi rin siya ng pang-unawa sa publiko at nakiusap na huwag idamay ang kanyang mga negosyo, empleyado, at iba pang organisasyong may kaugnayan sa kanya dahil wala umano silang kinalaman sa kontrobersiya.
Sa pagtatapos ng kanyang pahayag, nagpasalamat si Espiritu sa mga pumuna sa kanya at sinabing magsisilbi itong mahalagang aral upang mas maunawaan niya ang epekto ng kanyang mga binitawang salita.










