-- Advertisements --

Spotted ang dating Fil-Am pageant title holder na si Brandon Espiritu sa Osaka, Japan na tila nagpapalamig matapos makaranas ng ”cancel culture” kaugnay ng kaniyang naging komento tungkol sa “halfies.”

Matatandaang nagsimula ang isyu matapos ang isang social media post ng isa pang male pageant titleholder na si Jether Palomo, kung saan dumalo ito sa isang kaarawan ng kaibigan kasama ang mga indibidwal mula sa iba’t ibang bansa.

Sa naturang pagtitipon, kita sa video na hiniling sa kanila na umawit gamit ang kani-kanilang katutubong wika.

Matapos maibahagi online ang naturang okasyon, nagkomento si Palomo ng “I pledge allegiance to the flag (US),” na agad na naging usap-usapan sa social media.

Dito na pumasok ang komento ni Espiritu na “raise that flag brother,” na sinundan ng palitan ng mensahe sa isang netizen na nagtanong kung bakit walang kumanta sa Tagalog sa nasabing pagtitipon.

Sa naturang diskusyon, sinabi ni Espiritu, “because we aren’t from the Philippines. Why would we lie,” na sinagot naman ng netizen ng “then you should have represented your country.”

Nagpatuloy pa ang usapan nang magkomento si Brandon ng, “Tell that to all the front runners for the Philippines. This country wouldn’t have a chance on the national stage without us halfies.”

Dahil dito, umani ng matinding reaksyon mula sa netizens at ilang personalidad ang kaniyang pahayag, na kinuwestiyon ang implikasyon nito hinggil sa identity crisis at tunay na pakay ng binata sa mga Pilipino.

Kasunod ng kontrobersiya, naglabas ng public apology si Brandon Espiritu at nag-deactivate ng kaniyang social media accounts dahil sa pagbaba ng kanyang mga followers at posibleng suspensions dahil sa galit ng publiko na tila hindi nagustuhan ang pagiging hambog umano ng binata.

Nabatid na kasama ni Brandon ang kaniyang ina upang ipagdiwang ang kaarawan nito sa Osaka.

Aminado rin siya na ginamit niya ang pagkakataon upang makapagpahinga mula sa baklash at intriga sa ilang mga business partners nito sa bansa.

“I was doing lifestyle, fitness, wellness content for like ten years,” ani Espiritu.

“I also own businesses in Manila… wellness club, café, bar, and beach club.”

Pag-amin niya, “I went through some public backlash last week when I dropped a comment on Instagram… It wasn’t supposed to be ill-intent but it blew up… so I deactivated my stuff.”

Aminado rin siyang naging mayabang dahil sa binitawang mga komento na nakakatanggap ngayon ng mga diskusyon sa pageant world.

“It was an arrogant comment. I should have not dropped that and I do respect my country, my people… I definitely see where I went wrong but yeah man, I gotta take a break,” pahayag pa ni Brandon.

Sa parehong panayam, nagpahayag ng simpatya ang content creator kay Espiritu, at pinuri ang kaniyang pag-ako ng pagkakamali.

Dagdag pa niya, “We never know what people are passing through. So let’s be kind and respectful.”