Sinampahan na ng kasong physical injury ang isang boxing judge kasunod ng pagkaaresto nito noong Sabado ng gabi, matapos sinuntok ang isang opisyal ng Gaming and Amusement Board (GAB).
Sa eksklusibong panayam ng Star Fm Cebu kay PMaj Ramil Dugan, kinumpirma nito na nagtungo na sa kanilang himpilan at desidido pang magsampa ng reklamo si Jimmy Donton, officer in charge ng GAB Cebu Field Office laban sa 52 anyos na si Edgardo Olalo.
Sinabi pa ni Dugan na nangyari ang insidente ilang sandali matapos ibigay ni Donton ang bayad ni Olalo bilang judge sa nasabing event.
Umalis pa umano ang suspek matapos matanggap ang bayad patungo sa lobby at tila doon na sinunggaban ang biktima at agad na sinuntok ng ilang beses kaya dumugo ang ilong nito.
Idinagdag pa nito na dati ng may personal na alitan ang dalawa matapos sinampahan ni Olalo ng kriminal at administratibong reklamo si Donton sa Office of the Ombudsman Visayas dahil pa sa umano’y tinaggihan ang aplikasyon niya at ng isa pang boxing judge para sa renewal ng lisensya.