Nanindigan si House Justice Committee chair at Batangas Rep. Gerville Luistro na hindi dapat pinapangunahan ng sinuman ang magiging desisyon ng panel ukol sa impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.
Sa katunayan aniya, maging siya na nagsisilbing presiding officer sa mga serye ng hearing, ay umaayaw ding pangunahan ang desisyon ng kaniyang mga kapwa mambabatas at ng magiging desisyon ng buong plenaryo ng Kamara.
Ayon kay Luistro, ang pokus ngayon ng komite ay ang magampanan ang tungkulin nito sa impeachment complaints vs VP Sara, salig sa itinatakda ng konstitusyon.
Saka na lamang aniya iisipin ng komite ang magiging proceedings sa Senado, kung nai-transmit na ang verified complaints, sakali mang tumuloy ito sa mataas na kapulungan na magsisilbi bilang isang impeachment court kinalaunan.
Nang matanong si Luistro ukol sa naunang komento ni dating Presidential Legal Counsel Salvador Panelo na posibleng apat hanggang anim na senador din lang kinalaunan ang susuporta para sa guilty verdict vs VP Sara, sinabi ni Luistro na hindi rin dapat pinapangunahan ang pagdinig, kung aabot man ang reklamo sa full trial.
Ayon kay Luistro, kailangang tapusin muna ang mga dapat pagdaanan ng impeachment complaints salig sa itinatakda ng batas, at maipresenta ang anumang ebidensiyang sumusuporta sa mga naturang reklamo.
















