Bigo pa rin si Sen. Manny Pacquiao na makumbinsi ang mga kasamahang senador para mabuo ang binabalangkas na Philippine Boxing and Combat Sports Commission.
Sa muling pagsalang ni Pacquiao sa plenary debate, muli siyang ginisa ng isa ring atleta na si Sen. Pia Cayetano.
Para kay Cayetano, hindi patas para sa ibang manlalaro ng mga delikadong sports ang pagpapalikha ng komisyon na tungkol sa promotion ng boxing bilang sports at pagbibigay ng pension at health benefits sa mga nasa combat sports.
Iginiit ng senadora na malalabag ng Pacquiao bill ang nakatadhana sa article 3 ng konstitusyon na nag-uutos ng equal protection of the law para sa bawat Filipino.
Inihanay din nito na sa halip na ilaan sa boxing commission, libu-libong classroom na sana ang maitatayo dito o iba pang tulong para sa panahon ng pandemya.
Pero para kay Pacquiao, hindi lamang naiintindihan ng marami ang kalagayan ng mga combat sports players.
Kung wala raw mailalaang pondo, handa naman siyang tumulong para dito.