-- Advertisements --

KALIBO, Aklan — Hinihikayat ng Boracay-Malay Tourism Office ang publiko na mag-avail lamang sa mga accredited tourist services at mag-subscribe sa mga maaasahang source sa pinaplanong bakasyon ngayong summer season lalo na sa nalalapit na Semana Santa.

Ayon kay Kathrine Licerio, administrative officer ng BMTO na patuloy ang kanilang ginagawang paglalagay sa kanilang official facebook page at website na Boracay Info Guide ng mga lehitimong travel agencies at accredited na mga accomodation establishments.

Aniya, sinisiguro ng mga accredited na serbisyo ang de-kalidad na operasyon na nakabase sa mga minimum na patakaran ng departamento.

Kasabay nito, binalaan niya ang publiko na maging maingat sa mga hindi na-verify na impormasyon sa social media upang maiwasang mabiktima ng mga scam na ang target ay mga turista, kagaya ng mga pekeng accommodation, travel ticket, vacation deal, at iba pa.

Nauna dito, may idinulog umanong reklamo sa kanilang tanggapan kaugnay sa isang insidente ng online scams na gumamit ng pangalan at larawan ng mga lehitimong hotel upang makapakalat ng pekeng anunsyo at promo at nangolekta ng bayad online.

Kadalasan umanong gumagawa ang mga scammer ng dummy o pekeng social media account na nag-aalok ng kaakit-akit na mga promo at humihikayat sa mga biktima na magpadala ng bayad sa pamamagitan ng e-wallets, bank transfer, o personal na account.