ILOILO – Pormal nang ginawaran ng pagkilala ng Sangguniang Panlalawigan ng Iloilo ang Bombo Lifestyle program ng Bombo Radyo Iloilo sa pamamagitan ng isang resolusyon bilang Best Public Service program sa 27th Golden Dove Awards ng Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas (KBP).
Ang Resolution No. 2019-255 ang kumilala sa Bombo Lifestyle kung saan sponsor si Iloilo 4th District Board Member Rolando Distura at pinirmahan nila Iloilo 4th District Board Member Domingo Oso, Secretary to the Sanggunian Atty. Raul Tiosayco Jr., at Vice Governor Christine Garin.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Board Member Rolando Distura, sinabi nito na ang resolusyon ay palatandaan ng pagkilala ng Sangguniang Panlalawigan sa programa ng Bombo Radyo Iloilo na maipagmamalaki ng mga Ilonggo.
Ayon kay Distura, sa loob ng pitong taon ay patuloy na nagbibigay ng impormasyon at inspirasyon ang Bombo Lifestyle at siya ang makakapagpatunay nito dahil na rin isa sya sa masugid na tagapakinig nito.
Napag-alaman na bukod sa 27th KBP Golden Dove Awards, nanalo rin ang Bombo Lifestyle bilang Best Educational Program sa 39th Catholic Mass Media Award at finalist din ito bilang Best Educational Program sa 41st Catholic Mass Media Awards na gaganapin naman sa susunod na buwan.