-- Advertisements --

Nagdulot ng pangamba ang pagkakadiskubre ng mga otoridad sa isang unexploded firebomb sa isa sa pinakamalaking pamilihan sa Bangkok kahapon.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Bombo International Correspondent Cleo Rose Jondonero, inihayag nito na ayon sa mga otoridad, functional o puwedeng sumabog ang nasabing bomba subalit ito ay natabunan ng makakapal na tela kung kaya walang sapat na oxygen upang ito ay umapoy.

Ang nasabing device ay timer-triggered at nakakabit sa isang power bank.

Naniniwala ang mga pulis na ito ay kasabay ng mga bomba na sumabog noong nakaraang Biyernes habang idinaraos ang Southeast Asian Foreign Ministers Meeting sa Bangkok na dinaluhan ng mga opisyal ng Amerika, Chins at iba pang malalaking bansa.

Ayon kay Deputy Prime Minister Prawit Wongsuwan, ang pag-atake noong Biyernes ay kagagawan ng mga rebelde sa Southern Thailand.

Hindi naman idinetalye ng opisyal ang iba pang impormasyon tungkol sa grupo dahil nagpapatuloy pa ang kanilang imbestigasyon ukol dito.