-- Advertisements --
image 142

Kinumpirma ng mga otoridad na false alarm lamang ang napaulat na bombo threat sa Philippine International Convention Center nitong Biyernes.

Ito ay matapos ang ikinasang joint investigation ng mga otoridad sa lugar matapos na i-report ni Rommel Magbanua, ang security manager ng naturang gusali, na mayroong bomb threat sa lugar.

Ayon kay Magbanua, sinabi ra ng Administrative Services Division head ng National Privacy Commission, na mayroong comment sa kanilang page ang isang Angelo Iglesias na nagsasabing “Time bomb set on your building starts now”.

Ayon kay PMaj Remedios Terte ng Pasay City Police Station, mga tauhan ng SWAT-Explosive Ordinance Disposal at mga tauhan ng Station Explosive Ordinance Disposal Canine Unit ang nagsagawa ng masusing paghahanap sa limang palapag na gusali at sa paligid nito.

Isang Explosive Detection Dog (EDD) mula sa Regional Explosive Ordinance Disposal at Canine Unit (RECU) ang ginamit sa paghahanap sa lugar at walang nakitang pampasabog o mapanirang materyal/substansya.

Kasunod nito ay isinangguni ang kaso sa Station Investigation and Detective Management Branch para sa kaukulang imbestigasyon.

Habang pinaalalahanan naman ng pulisya ang publiko na manatiling kalmado at mapagmatyag kasabay ng pagtiyak na patuloy nilang binabantayan ang sitwasyon upang matiyak ang kaligtasan at seguridad ng lahat.