-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Mahigpit ngayon ang seguridad sa buong lungsod ng Tacurong maging sa buong lalawigan ng Sultan Kudarat matapos ma-neutralize ng mga otoridad ang isang bomb courier.

Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Tacurong PNP chief of police Lt. Col. Rey Egos, nakatanggap sila ng impormasyon na may pasasabugin umanong bomba sa lalawigan kaya inalerto ang lahat ng mga kapulisan sa mga checkpoint.

Pagsapit ng alas-5:45 ng umaga kanina sa bahagi ng Barrio Dos, Brgy EJC Montilla, pinapahinto ng mga otoridad ang isang lalaking sakay sa isang motorsiklo ngunit sa halip na tumigil ay binilisan ang takbo nito kaya hinabol ito ng mga otoridad.

Bumunot rin ng .45-caliber ang suspek, dahilan na gumanti ang mga pulis kung saan tinamaan ito na naging dahilan ng kaniyang kamatayan.

Narekober sa kaniyang posesyon ang baril, isang granada at IED components na nakasilid sa isang bag na may lamang bigas.

Nabatid na nagmula ang suspek sa lalawigan ng Maguindanao.

Sa ngayon ay inaalam ng mga otoridad ang pagkakakilanlan ng nasawing bomb courier habang nasa isang punerarya na ang bangkay nito.

Una rito, nahuli ng mga kapulisan ang isang miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters at iniimbestigahan na kung may kaugnayan ba ang naturang insidente sa pagkakasawi ng courier.