-- Advertisements --

Dumepensa ang lokal na pamahalaan ng Sagbayan, Bohol sa mga alegasyon hinggil sa kontrobersyal na resort na itinayo sa gitna ng Chocolate Hills.

Ito ay matapos ang magkakasunod na naging pahayag ng Department of Environment and Natural Resources, Department of Tourism, at maging ng ilang mga mambabatas kaugnay sa umano’y mga paglabag ng viral na Captain Peak’s Resort na pumukaw din batikos mula sa publiko.

Sa isang pahayag ay sinabi ni Office of the Sagbayan Mayor, executive secretary Felito Pon na wala silang natanggap na anumang temporary closure order mula sa DENR laban sa nasabing resort.

Aniya, kahapon lamang daw nila nalaman na mayroon pang kautusan ang nasabing ahensya na ipasara ang naturang resort dahil wala naman aniyang ibinibigay sa kanilang furnished copy nito.

Saad pa ni Pon, kung batid aniya nila ito ay hindi na nila pahihintulutan pa for renewal ang nasabing resort.

Kaugnay nito ay sinabi rin niya na mayroon silang natanggap na ilang aplikasyon na may kaugnayan sa nasabing resort noong taong 2018 ngunit ang mga ito naman aniya ay nai-refer na sa Protected Area Management Board.

Gayunpaman ay iginiit naman ng opisyal na agad nilang ire-revoke ang business permit ng nasabing resort kung mapapatunayang may naging paglabag ito sa batas.

Kung maaalala, una na ring sinabi ng DOT na hindi accredited sa kanilang tanggapan ang naturang kontrobersyal na resort, habang ang DENR naman ay sinabing naglabas ito ng Notice of Violation laban dito nang dahil sa pag-ooperate ng walang kaukulang permit o certificate.

Habang kasalukuyan na rin itong pinaiimbestigahan ng ilang mambabatas sa Senado upang alamin kung gaano kalawak ang naging paglabag nito at kung paano nakalusot ang pagtatayo nito resort sa gitna ng Chocolate Hills.