Nalampasan na ng Bureau of Customs ang target nitong koleksyon noong Enero na umabot pa sa 2.16 %.
Ayon sa ahensya, sila ay nakakolekta ng P73.33 bilyon na kita para sa unang buwan ng 2024.
Ang accomplishment na ito ay kumakatawan sa surplus na P1.55 bilyon sa target na koleksyon na P71.78 bilyon.
Ang kita na nakolekta noong Enero 2024 ay lumampas din sa mga numero noong nakaraang taon ng P2.74 bilyon, o katumbas ng 3.88 porsyento.
Ayon sa BOC, ang pagtaas na ito ay nauugnay sa pinabuting sistema ng bureau sa pagtukoy sa halaga ng customs ng mga imported na produkto, pinalakas na proteksyon sa hangganan at mga pagsisikap sa kongkretong pagpapadali sa kalakalan.
Pinuri naman ni Customs commissioner Bienvenido Rubio ang mga collection district sa kanilang kontribusyon sa kabuuang performance ng collection ng ahensya.
Samantala, ang BOC ay may target na koleksyon na humigit-kumulang P1 trilyon ngayong taon.