Inihayag ni Caloocan Representative Edgar Erice na hindi siya lalahok sa impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Duterte sa plenaryo, dahil aniya’y nagagamit lamang ito sa pulitika at kulang sa moral ascendancy ang Kamara.
Ayon sa mambabatas, tila napipili lamang ng mga mambabatas ang paggamit ng Konstitusyon kapag ito ay pabor sa kanila, habang hindi umano natutupad ang mandato nitong bumuo ng anti-political dynasty law.
Giit niya, ang impeachment ay hindi isang “principled process” kundi isang banggaan ng mga dating magkakampi sa pulitika, na nauwi sa isyu ng kapangyarihan.
Dagdag pa ng kongresista, tumatanggi siyang maging bahagi ng tinawag niyang political spectacle na hindi nakakatulong sa mamamayan.
Hindi rin aniya napag-uusapan ang isyu sa mga kasamahan sa Liberal Party, ngunit iginiit na pinapayagan ang “conscience vote” sa kanilang hanay.
Tungkol naman sa mga ebidensyang inilatag sa impeachment hearings, sinabi ni Erice na hindi pa pinal ang Commission on Audit notice of disallowance at hindi rin aniya conclusive ang ulat ng Anti-Money Laundering Council, kaya hindi sapat ang mga ito bilang matibay na basehan.
















