-- Advertisements --

Kinumpirma ng Department of Migrant Workers na pito sa mga Pilipinong tripulante ng container ship na dumaan sa Strait of Hormuz ang nasugatan matapos tamaan ng drone attack na iniuugnay sa Iran.

Ayon kay DMW SEC Hans Leo Cacdac, apat sa mga Pilipinong seafarer ang nagtamo ng minor injuries habang tatlo naman ang patuloy na inoobserbahan dahil sa mas seryosong sugat na tinamo sa insidente noong Mayo 5.

Sinabi ni Cacdac na kabilang ang mga sugatan sa crew ng container ship na San Antonio, isang Maltese-flagged vessel. Nilinaw din niyang hindi ito French-flagged ship taliwas sa naunang ulat ng ilang international media.

Ayon pa sa DMW, agad na nailikas mula sa barko ang mga Pilipinong tripulante at kasalukuyang ginagamot sa ospital sa tulong ng mga opisyal ng embahada at labor attaches ng Pilipinas sa abroad.

Nauna nang iniulat ng ahensya na mahigit 1,400 Pilipinong seafarers na ang ligtas na nakalabas sa Strait of Hormuz sa gitna ng tumitinding tensyon sa pagitan ng Iran at ng US-Israel alliance. Patuloy namang mino-monitor ng pamahalaan ang sitwasyon upang matiyak ang kaligtasan ng mga Pilipino sa rehiyon. (report by Bombo Jai)