Inihayag ni Senador Robin Padilla na tututol ang Senate minority bloc sa pag-convene ng impeachment court sakaling isumite ng Kamara de Representantes ang articles of impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.
Depensa ng Senador, bahagi ng tungkulin ng minority ang mag-oppose bilang pagsunod sa parliamentary procedure, kahit pa may panunumpa ang mga Senador bilang hukom.
Dagdag pa niya, naghahanda na rin siya sakaling maupo bilang senator-judge.
Samantala, tutol din sa impeachment si Senador Jinggoy Estrada dahil sa dami ng problema ng bansa, ngunit iginiit niyang pagbabatayan pa rin niya ang ebidensya kung matuloy ang proseso.
Tiniyak naman ni Senador Alan Peter Cayetano na susunod ang minority bloc sa mga patakaran.
Ayon kay Senate President Vicente Sotto III, maaaring i-convene ang impeachment court kapag natanggap ang articles of impeachment, ngunit ang mismong paglilitis ay isasagawa pa sa tamang panahon alinsunod sa Konstitusyon.
















