-- Advertisements --

Nagdeklara ng “all-out war” laban sa smuggling ang Bureau of Customs (BoC), kasabay ng pagpapatupad ng mahigpit na one-strike policy laban sa mga tauhang masasangkot sa katiwalian.

Ayon kay BoC Commissioner Ariel Nepomuceno, ang mga kamakailang pagkakakumpiska ng bilyong pisong halaga ng smuggled na sigarilyo ay magsisilbing babala at hudyat ng mas pinaigting na kampanya laban sa mga smuggler.

Giit niya, mananatiling mahigpit ang zero tolerance policy sa loob ng ahensya, at sinumang empleyado na mapapatunayang sangkot sa ilegal na gawain ay maaaring agad na matanggal sa pwesto.

Binigyang-diin din ng BoC na patuloy na nagiging mas sopistikado ang operasyon ng mga smuggling syndicates, kabilang ang paggamit ng mga private vessels upang makaiwas sa mga awtoridad.

Dahil dito, inatasan ang lahat ng collection districts na palakasin ang intelligence gathering, risk profiling, at enforcement operations.

Mas paiigtingin din ang koordinasyon ng BoC sa Philippine Coast Guard, Philippine Navy, Philippine National Police, National Bureau of Investigation, at mga lokal na pamahalaan.

Kasabay nito, tiniyak ng ahensya ang pagpapatuloy ang modernisasyon ng komisyon at mas pinaigting na intelligence-driven enforcement.