Nagbabala ang Bureau of Customs (BOC) sa publiko laban sa mga scammers na naniningil ng bawal na bayad para mag-claim ng mga kargamento.
Sa isang advisory, sinabi ng BOC na ang mga scammer na ito ay nagpapanggap na mga opisyal na kinatawan ng BOC.
Ayon sa pahayag ng BOC, ang mga manloloko ay namemeke ng mga pirma ng mga opisyal ng kawanihan upang mabigyan ang mga biktima ng mapanlinlang na patunay ng mga pagbabayad.
Nagpapadala sila ng mga pekeng acknowledgement letter na may pangalan ng mga opisyal o empleyado ng BOC sa mga biktima.
Sa gitna nito, hinimok ng BOC ang publiko na iulat ang anumang katulad na pamamaraan na naobserbahan upang agad na maaksyunan ng BOC.
Kasabay nito ay sinabi ni BOC Commissioner Bienvenido Rubio na bahagi pa rin ito ng pinaigting na aksyon ng Customs laban sa mga tangkang pagpasok ng mga smuggled na produkto sa bansa.